In Brief

Bago pa man nauso o pag-usapan ang sinasabing millennial na pag-iisip (madaling ma-bore, sinasabi ang gustong sabihin, digesting information in chunks, atbp.), tila ito na ang naging pamamaraan at katangian ng Merrywanna - ang blog na ito, na sinimulan ko noong 2005. Hindi naman kataka-taka dahil nabibilang pa rin naman daw ako sa "millennials" kung ang depinisyon ay 'yung mga isinilang noong 1980s o 1990s. Pati ang midyum ng blog, nagbibigay ng expectation na maikli lang at higit na gumagamit ng mga imahe. Nasa kolehiyo na ako nang mauso ang pagba-blog. Sa ngayon tuwing may makikilala akong blogger, madalas ay Wordpress ang gamit at kapag nalalaman nilang sa Blogspot ka, nalalaman na rin ang edad.

Namimiss ko rin ang pagsulat sa luma kong istilo. 'Yung tipong:

Naiipon na naman ang mga tao sa airport dahil sa mga naantalang biyahe. Kamalas-malasan, kinukulang ng mga upuan. Ang problema, dinagdagan pa ng karatulang "Bawal umupo sa sahig." Pero dahil mapamaraan ang Pinoy, may mga humiga na lang. Pwede rin kayang lumuhod?
***
Sa sunud-sunod na mga balita tungkol sa mga napapaslang kaugnay ng kampanya kontra droga, naging household phrases na ang "diumano'y nanlaban," "sachet ng hinihinalang...," at "natagpuang may karatula." Habang nasa paboritong dimsum restaurant kami ng nanay ko, gumawa ng news story si itay: "Dito sa Quezon City natagpuan ang bulto-bultong... dimsum! At ang lalakeng nagtutulak... ng dimsum cart, may karatulang "Babala: Hot surface!" May isa pang karatula: 45 pesos only kapag dimsum hours." Pati tuloy habang naglalagay ako ng kolorete at nang magtanong si itay kung anong hawak ko, sumagot ako ng "sachet ng hinihinalang foundation" (free sample).
***
Minsan sa isa kong klase sa panitikan, isa-isa kong tinawag ang mga mag-aaral para tiyaking nagbasa nga sila nang biglang...
Estudyante: (Hawak ang readings, nagtatangkang magbasa) Miss, could you get back to me after two people?
Ako: Hindi na. 'Pag tapos na, hindi ko na binabalikan (sabay lagay ng zero sa grading sheet).
Bulong ng iba: Humuhugot si ma'am.
Estudyante: I'll just read it (Gusto talaga ng second chance).
Ako: Basahin mo dahil gusto mong basahin. Hindi dahil babalikan kita.
Iba: Grabe siya!
***
Hanggang sa muli.

Comments

Popular Posts