Ikatlong Byahe Tungong Palawan

Totoo na 'to. Hindi lang pagpunta sa Palawan Pawnshop kundi sa Puerto Princesa talaga. Naudlot ang biyahe namin noong October 29 dahil sa bagyong Paeng, pero nagpasya ang pamilyang magrebook imbes na magrefund para matuloy ang inaasam na tour. 'Di tulad ng mga nakaraang pagbiyahe roon, isa na akong misis ngayon kaya bukod sa mga magulang ay kasama rin ang aking kabiyak.

Muntik ko na siyang sisihing muli dahil maganda naman ang panahon pagdating namin sa paliparan noong Sabado, ngunit ilang minuto bago sumakay sa eroplano ay nagdilim ang kalangitan at nagkaroon ng lightning alert - sanhi upang itigil ang lahat ng aktibidad sa NAIA. Matapos ang isang oras na pagkaantala, sa wakas ay natuloy na ang aming paglipad!

Kumagat na ang dilim pagdating namin sa Puerto Princesa International Airport. Dahil dito, hindi na kami nakapamasyal at naghapunan na lamang sa Kinabuchs, Rizal Avenue. Yung Blue Marlin ang aking paborito dahil sariwa at malinamnam ito.

Hanggang dito sa Palawan, 'di mawawala ang Coke na sadyang inaaraw-araw ni Marco.




Dahil sa limitadong pananatili namin sa probinsya, ang buong araw ng Linggo lamang ang inilaan para sa island hopping. Ika nga ng pilosopong si Heraclitus, you can't step on the same river twice. Pareho man ang destinasyon, ibang karanasan naman ngayong taon lalo na't bumabangon pa rin sila mula sa kinasadlakan noong pandemya. Muli kong nasilayan ang ganda ng Honda Bay partikular na ang Starfish, Luli, at Cowrie islands.







Dahil Cowrie Island ang huling tinungo ng pangkat (ito raw kasi ang pinakamalapit sa wharf, sakaling sumama ang panahon ay mabilis kaming makababalik), dito na rin kami nananghalian ng manok, liempo, buttered shrimp, ensaladang talong, pipino, at pinya para sa panghimagas. Kasama na ang pagkain sa tour package.

Saglit lamang ang pahinga pagkabalik sa hotel at naghanda na kami para maghapunan sa bakawan. Molo soup, samaral at lato, inihaw na pusit, ginataang alimango, at prutas ang aming pinili.







Lunes nang lumipad na kami pabalik ng Maynila. Mabuti at bukas na ang Itoy's Coffee Haus bago kami tumungo sa paliparan kaya naman nakakain muna kami ng masarap na almusal. Natikman pa ni Marco ang malinamnam nilang dinuguan na 'di ko na nagawa pang kunan ng larawan dahil dumiretso na ito sa aming tiyan.

Comments

Popular Posts