Max Mango sa Tag-Init
Akala ko dati, parang mango ice cream with toppings ang ibinibenta ng Max Mango. Nakatikim na 'ko ng ganun dati at masyadong mabigat at matamis para sa panlasa ko. Hindi na ako umulit.
Pero habang kasagsagan ng init at uhaw isang hapon, nakita ko sa Food Panda ang mga imahe at deskripsyon ng shakes nila. Medium (85 pesos) at Large (95) ang pwedeng orderin. At naisip ko, bakit 'di pa dayuhin at baka mas mura sa puwesto nila? Nakapagpahangin pa ako.
Nakatutuwa dahil maliit lang ang pagkakaiba ng presyo sa food delivery app at kapag doon ka bumili (Alam na ang diskarte sa susunod!). Eighty pesos ang medium at 90 naman ang large. Kaya ito na nga, isang medium Avocado Overload at isa ring Mango Overload ang binili namin.
Parehong masarap! 'Yung bawat higop, may oomph. Hindi nakauumay. Sariwang mangga at avocado kasi ang ginamit, at parehong may crushed graham, sorbetes, at fruit bits ang mga 'to. Nagkasundo talaga ang mga sangkap.
Gusto kong subukan lahat ng flavors nila pero sa ngayon, kahit masarap ang Mango Overload, ang nanalo sa puso naming mag-asawa ay walang iba kundi ang Avocado Overload!
Comments