Mga Pangarap Ko Sa Buhay

Kagabi ko pa gustong isulat 'to. Ilang taon na lang, 40 anyos na pala ako. Patapos na rin ang taong ito, at magbubukas na naman ang panibagong kabanata ng buhay ko kaya napapanahon lang na magmuni.

Itong taong 2023 ay tungkol sa pagwawagi ng pag-asa laban sa pangamba. Tungkol sa aking pagiging ina at pagtahak sa landas na 'di ko pa batid sa buong buhay ko. Tungkol sa ligayang hinigitan ang pag-aalala. Tungkol sa bagong yugto ng pagmamahalan namin ng aking asawa dahil kami'y mga magulang na. Tungkol sa muli kong pagtatrabaho makaraan ang tatlong buwan mula nang manganak. Mahirap, pero sa biyaya ng Diyos, kinakaya. Sadyang maraming biyaya ang 2023, kaya sa aking mga panalangin, mas maraming pasasalamat kaysa kahilingan.

Saan nga ba patutungo? Ito ang mga pangarap ko sa ngayon:

1. Lumaki ang anak naming malusog, masaya, at mabuti.

2. Magkaroon ng sapat na ipon para hindi na kailangang umutang sa bangko kapag due date na ng kinuha naming tirahan. Sana kaya nang bayaran ng cash.

3. Magkaroon ng sapat na salapi para bukod sa mga pangangailangan, mayroon ding mailaan sa food trip at travel. Exciting dahil makakasama na namin ang anak sa lahat ng ito.

Ito lang muna ang ililista ko ngayon. Lahat tayo marahil ay nag-isip o nag-iisip tungkol sa pamumuhay nang may saysay, kung ano ba ang dahilan sa likod ng mga ginagawa natin. Sa tingin ko'y natagpuan ko na.




Comments

Popular Posts