The Bus

Salamat sa Inquirer WiFi aboard, aking naihahatid sa inyo ngayon ang blog post na ito. Sa unang pagkakataon, kumonek ako sa libreng WiFi ng bus. Lagi ko lang kasing ikinukubli ang gadget sa bag tuwing nagko-commute.

Sabihin na lang nating muling nangati ang daliri kong magblog dahil sa mga nakakaaliw na random thoughts sa bus.

Tao 1: Bayad po, isang kidney.
Tao 2: Dalawang human rights, kasasakay lang.
To myself: Ayos ang byahe ko! Mura lang ang kidney at nabibili ang human rights.

Maya-maya pa'y umakyat na si Mang Manny ('di tunay na pangalan) na naglalako ng mani.

"Ah mani mani... Mani kayo riyan. Libangan n'yo habang matrapik! Mani mani... Mainit. Bagong luto."

Yown! Ganyan ang mahusay na advertising. Sinasagot ang tanong na "What's in it for me?"

Sa bus, bukod sa maaaliw ka sa mga simpleng bagay, ay nagiging mapanghusga ka rin ng kapwa batay sa panlabas na anyo.

Halimbawa, 'pag nakabihis nurse o mukhang malinis ang katabi mo, ang himbing mong matulog sa bus. Pero kapag namalayan mong tumayo na siya at humalili na ang marungis na pasahero o ordinaryong manggagawang Pilipino, alertong-alerto ka!

Hanggang dito na lang muna at baka nakikibasa na ang katabi ko. Kung nasa bus ka rin habang binabasa ito... Ingat (boses John Lloyd)!

Comments

Popular Posts