Mga Nakaw Na Sandali

Kung umabot ka na edad 29 gaya ko at hindi ka pa nanakawan o nadukutan sa buong buhay mo, magpunyagi! Isa kang mapalad na nilalang.

Magkakaiba ang mga karanasan: May mga traumatized o shocked at may mga chillax lang o 'di gaanong apektado. Nakadepende ito sa maraming salik tulad ng istilo ng kawatan, reaksyon sa kasagsagan ng krimen, personalidad ng ninakawan at nagnakaw at higit sa lahat, ang tindi ng takot na mawalan. Kung gayon, mas madali ang sitwasyon para sa mga taong madaling magparaya at sa mga nothing to lose ang drama.

Narito ang mga pagkakataong hindi ako naging alerto o nag-isip nang tama kaya naisahan (in chronological order since high school days):

1. Sa pigeon hole bago pumasok sa library, iniwan ko ang bag at isang bukas na lalagyan kung saan nakaibabaw ang wallet. Ano pa nga ba ang aasahan sa aking pagbabalik? Wala na ang wallet na maswerte. Hindi naman uso sa 'kin noon ang pagdadala ng malaking halaga sa eskwela kaya naging okay naman ako nang mga panahong iyon.

2. Sa jeep biyaheng Welcome Rotonda - Philcoa na puno ng pasahero, wala akong kamalay-malay na hiniwa na ang bag ko. Pagdating sa bahay, doon ko na lang nalamang wala na ang 3210 cell phone. Muntik pa akong matuwa dahil bukod sa lumang modelo, mahina na ang baterya. Namamatay kapag tinatawagan.

3. Sa Taft Avenue pagbaba sa istasyon ng MRT at patungo sa terminal ng bus, saglit kong pinabayaang nasa likod ang backpack kahit na alam kong dapat ilagay sa harap. Kung may magandang aral na mapupulot sa kawatan, iyon ay 'di nila pinalalampas ang oportunidad. Natangay ang wallet ko habang mapalad namang naiwan ang digicam. Naramdaman ko pang may nagbubukas ng zipper at paglingon ko ay mabilis nang naglalakad palayo ang lalake. Samantala, tumuloy pa rin kami nina Meline at Diwa sa Tagaytay para sa birthday surprise nila sa akin. Mabilis akong naka-recover.

Ilan lamang ito sa mga karanasang humubog sa akin para maging maingat. Nariyan din ang mga magulang na 'di nahuhuli sa mga balita at laging nagpapayo. Huwag nga lang sosobra dahil baka mauwi sa mean world syndrome. Malaki na rin ang nagbago mula nang mauso ang CCTV. Gayunman, hindi ito sumasapat para panghinaan ng loob ang mga maitim na balak. Higit pa silang nagiging mapangahas.

Comments

Popular Posts