Tagaytay Bulalo, Nagkaubusan Na! Senior Citizen, Umalma.
(Ang sumusunod na artikulo ay bunsod ng kagila-gilalas na pagkaubos ng bulalo nitong weekend makaraan ang pagdiriwang ng bagong taon at patuloy na pagdagsa ng mga bakasyunista sa Tagaytay City. Maaaring 'di ito nailathala sa pahayagan o naisahimpapawid sa radyo o telebisyon subalit nananatili itong isang mahalagang isyu! Nasaan ang bulalo?! Ilabas n'yo ang bulalo!)
Dismayado ang mga bakasyunistang dumayo pa sa mga kainang nagpapakilalang "bulalohan" ngunit sa sangkap ay salat naman.
Isa sa mga kainang nabanggit ang Bradley's Bulalo & Crispy Tawilis kung saan naiulat na wala nang bulalo ay wala pang tawilis. Ayon kay Renato, sabaw pa naman ang pakay ng mga gaya niyang senior citizen para balansehin ang ginaw ngayon sa Tagaytay. Dagdag niya, "Patunay lamang ito na hindi sila nakapaghanda. Mali. Maling mali."
Sa haba ng pila, maging ang mga silbidor at parokyano, nagka-dedmahan nitong Sabado! Daing ng mga naghihintay na kostumer, anumang papansin ay 'di umubra sa mga isnaberong staff.
Kabilang din sa mga naubusan ng ibang uri ng sabaw ang Bag of Beans, Seafood Island (salmon at sugpo pa lang ang maihahain) at Rowena's.
Kinabukasan, nagtungo na lang ang ilang mamamayan sa TaaleƱa para tikman ang Sinigang na Maliputo, Crispy Tawilis at Adobong Pusit. Hindi rin sila nabigo sa Pamana, kung saan sa wakas, naihain ang Bulalo na sinamahan pa ng Crispy Pata.
Solb!