Harana
It rained so I stayed indoors and wrote a story titled "Harana." The characters are fictional.
Marahang papasok si Dan sa kwarto at malambing na sasabihin, “May... kumusta ka na?” Nakatalikod ito sa pinto at inaasahan niyang babaling man lang sa kanyang direksyon. Pero hindi. Walang reaksyon. “Galit ka ba?” Katahimikan. “Naiintindihan naman kita kung ‘yun ang maramdaman mo. Pero sana, pansinin mo 'ko. Wala ka ba man lang sasabihin?”
Flashback, chat.
May: Wala ka ba man lang sasabihin? Ganun ba ‘ko kawalang halaga sa ‘yo?
Dan: Ano pa bang gusto mong malaman? We both know we can’t go beyond kung ano man ang nangyari sa tatlong araw na ‘yon.
May: ‘Yun lang naman ang gusto kong malaman. Na wala naman talagang halaga.
Dan: I’m sorry.
Back to the present.
Darating ang mga magulang ni May galing sa grocery. “Napadalaw ka pala, Dan. Magmerienda ka muna.” Kukunin ng nanay ni May ang whiteboard marker at isusulat, “Gusto mo na ba kumain, anak?” Nagtatakang nakamasid si Dan. “Di na nakakarinig si May. Sabi ng doktor, epekto ng mga gamot niya.” Mapapayuko si Dan at dun lang maiintindihan kung bakit hindi siya pinapansin kanina pa.
Aalalayan ng tatay si May na bumangon. Magkahalong pagtataka at lungkot ang mababanaag sa mukha niya pagkakita kay Dan. Pero tahimik lang itong nakatingin sa kanya. “Hindi na nakikilala ni May ang iba niyang mga kaibigan at kahit mga kamag-anak. Kami na lang ng nanay niya, si Melanie na kaibigan niya nung college, si Monica na madalas niyang makasama sa trabaho bago magkasakit, at pailan-ilan pa.” Hindi alam ni Dan ang mararamdaman. Naaalala pa kaya siya ni May?
Susulat si May sa whiteboard, “Dan umalis ka na. Hindi ko kailangan ng awa mo.” Matitigilan si Dan. Kilala pa siya ni May, pero sana ba’y hindi na lang? Mahihiya rin siya sa mga magulang nito kaya sa isang saglit pa’y tatango na ito at aalis.
Fade out.
Fade from black.
Kakatok si Dan sa kuwarto. Bukas ang pinto kaya tutuloy na siya. Nag-iisa na naman si May. Sanay naman siyang mag-isa noon pa, at hanggang ngayon, mag-isa pa rin. Nagkakilala sila noong high school, naging magkaibigan, pareho ng university pero magkaibang kurso, at mas nagkalapit pagkagraduate na lang. Basta nangyari na lang na sila na ang nagsasabihan ng mga bagay-bagay, maganda man o problema.
Flashback, kasal ng high school friend nilang si DJ.
Dan: Masaya na ‘ko ngayon, May. Hindi gaya dati, malayong-malayo. Simpleng bagay lang, inaaway ako ng girlfriend ko kahit may ibang nakakakita.
May: Finally, nakilala mo na siya. I’m happy for you, Dan. Nararamdaman ko kung gaano ka kasaya. Everything will fall into place. If it’s true love, it doesn’t really have to be too difficult like before.
Dan: Ipinagdarasal ko na sana, ito na talaga. Sana si Maricar na.
Flashback, chat.
Dan: Magkwento ka nga. Anong nangyari sa previous work?
May: Ikaw naman ‘yan kaya sasabihin ko na. Natanggal kami sa trabaho. Nakakahiya mang aminin.
Dan: Bakit ka mahihiya?
May: Eh wala naman sa atin ang naalis sa trabaho no.
Dan: Anong wala? Sige, I once got a project to design the Philippine office of Mac. Pero nacancel. It’s a 1M project and I didn’t get to finish it.
May: Iba namang sitwasyon ‘yun ‘di ba? It’s not like they blamed you that the contract got cancelled.
Dan: Well they did blame me.
May: Sorry to hear that.
Dan: Ano ka ba. Okay lang ‘yun. Tsaka matagal na naman.
May: Pinapaiyak mo na naman ako.
Dan: What did I do? Ano ba ‘yan, pati ba naman ikaw pinapaiyak ko?
May: Kasi naman eh. Lagi kang andiyan ‘pag may problema ‘ko, kahit ‘di kita hanapin. Nakakainis dahil aalis ka rin naman. Mamimiss ko ‘yung mga ganito mo.
Dan: Para naman na tayong LDR eh, sa Makati ka at sa QC naman ako. Hehe. Basta iisipin mo lang na you can’t use a hammer to paint. You’re way better than them. ‘Di mo pa lang siguro nahahanap ‘yung path mo.
Back to the present.
Gising naman si May pero tulala. Alam na nga ni Dan na ‘di na ito nakakarinig. Pero bakit ngayon, parang ‘di na rin siya nakikita? Magsusulat si May. “Bakit bumalik ka pa?” Iaabot ni Dan ang bouquet of white roses. Buburahin niya ang isinulat ni May, at magsusulat din. “Sorry.” Sasagutin siya nito, “I would appreciate if you’d leave me alone.”
Flashback, chat. Makikita ni May sa Messenger na “You were friends with Dan on Facebook.”
May: Really, unfriend? I’m disappointed with how you handled this, Dan.
Dan: I didn’t unfriend you. But I would appreciate if you’d leave me alone just the same.
Back to the present.
Iaabot ni Dan ang sulat:
Dear May,
Umalis na lang ako noong una kitang dinalaw dahil naisip ko, wala naman talaga akong naidulot na mabuti sa ‘yo. Minahal mo ako noon, pero sinaktan lang kita, pinalayo dahil pinili ko si Maricar at pinaramdam na isang pagkakamali ang sa atin. Dumistansya ako, Oo, pero sa mga taong nagdaan, malungkot. Malungkot palang wala na ‘yung kwela mong kaibigan. ‘Yung gusto mong nakikita dahil magaan lang, masayang kasama, at higit sa lahat, totoo. Nasasabi niya sa ‘yo ang mga bagay na ‘di niya nasasabi sa iba. I felt special because you trusted me. At naitanong ko sa sarili, mapapatawad mo pa kaya ako?
Let’s start all over, shall we?
Dan
Flashback, chat.
May: Aaminin ko na tutal aalis ka naman na at ‘di mo na ‘ko maaasar.
Dan: Ano nga? Promise ‘di ako tatawa.
May: Sige na. Naging crush kita noong high school. Pero dahil lang sa polo mong plantsado!
Dan: Oh my, ‘yung mga panahong sobrang olats ko. It’s a compliment, coming from you. ‘Di ko alam na may nagkagusto pala sa ‘kin nung high school.
May: Saka saglit lang. Nawala agad, lalo na nung naging serious na kami ni Mon.
Dan: Pero alam mo, I’ve always liked you. High school pa lang. Ayan, quits na tayo.
May: Oi, sabi ni Kathryn Bernardo, “Wag mo ‘kong mahalin dahil lang mahal kita.”
Dan: “Oo, mahal na kita!” Sabi naman ‘yan ni Daniel Padilla sa She’s Dating The Gangster.
Back to the present.
Itutupi ni May ang sulat at ibabalik sa envelope. Magsusulat siya sa whiteboard:
May: Kayo pa ba ni Maricar?
Dan: Hindi na. Matagal na.
May: Anong nangyari?
Dan: Hindi ko kayang magsinungaling. Sinabi ko sa kanya lahat ng namagitan sa ‘tin.
May: Mahal mo pa ba siya?
Dan: Nakausad na ‘ko.
May: Mahal mo pa ba siya?
Titignan lang siya ni Dan. Magsusulat siya uli. “Dan, ‘di na kita mahal. Umalis ka na. Sana ito na ang huli.”
Iaabot niya pabalik ang bouquet at sulat. Pareho silang matatahimik. Marahang lalabas si Dan.
Kinabukasan, dadalawin ni Monica ang kaibigan at dating katrabahong si May.
Sa whiteboard:
Monica: Balita ko dinalaw ka ng best friend mo ah.
Tatango si May, may lungkot sa mga mata.
Monica: Mahal mo pa?
Hindi na sasagot si May pero magsusulat na lang ito ng “Pero pinalayo ko na siya.”
Isang gabi, habang magkakasama sa kuwarto sina May at mga magulang niya, kakatok si Dan. Sandaling kakausapin nito ang tatay na tila nagpapaalam. Papasok na si Dan kasama ng isang gitarista at isa pang may hawak na biyolin. Hihinga nang malalim si Dan at magsisimula nang tumugtog ang mga kasama. Sa unang linya ng kanta, iaangat ni Dan para makita ni May ang lyrics: Be my lady. Come to me and take my hand, and be my lady.
Makikinig/manonood lang si May. Pero pagsapit sa chorus na may “Just forget the past, it’s time to mend your broken heart. No walls divide us now,” ‘di nito mapipigilang lumuha. Pipilitin ni Dan na tapusin ang kanta. At magagawa niya. Lalabas ang mga kasama niya at ang mga magulang ni May.
Tatabihan ni Dan si May, aabutan ito ng panyo, at hahawakan ang kamay. Kailan nga ba sila huling naghawak-kamay? ‘Yung patago, nang minsan silang lumabas ng barkada at ‘di sadyang mahal pala nila ang isa’t isa? Sa Batanes, nang minsang may project siya roon at sumunod si May para lang makita siya uli, kahit daw iyon na ang huli? Huminga nang malalim si May.
Sa whiteboard:
May: Di totoong di na kita mahal.
Mangingilid na rin ang luha ni Dan, at mapapangiti ito sa nabasa.
May: Pero ayoko na sanang mahalin ka. Dahil kung mahal mo pa rin siya, masasaktan lang ako uli.
Kukunin ni Dan ang marker para ‘di na ito makapagsulat. At marahan, tulad ng mga hakbang niya noon papalayo, hahalikan niya si May sa labi. Yayakapin siya ni May. At pagyakap niya rito, mararamdaman niyang malaki na talaga ang ibinagsak ng katawan niya. Malayong malayo sa huli nilang mahigpit na yakap, sa Batanes. Nang sabihin ni Dan kay May na “Wag ka nang iiyak ‘pag ‘di mo na ‘ko kasama.” May deal kasi silang pagkatapos ng 3 days, babalik na sila sa normal: Walang "tayo." Lumipad na noon si May pabalik ng Maynila. Iyon na ang huling araw na nagkita sila bago dumalaw si Dan sa ospital.
Paglipas ng isang linggo, alam ni Dan na hindi pa rin bumubuti ang lagay ni May. Tatapatin na rin siya ng doktor: Hindi na ito magtatagal. Pero sa kagustuhan niyang makasama siya “habambuhay,” kakausapin niya ang mga magulang nito para hingin ang kanyang kamay. Ikakasal sila sa ospital, at imbitado ang gitarista, violinist, si Monica, at Melanie. Tutugtog ang kantang minsang dinedicate ni May kay Dan sa kabila ng katotohanang may nobya pa ito: Make You Feel My Love ni Adele. Walang ibang mahalaga sa kanya noon kundi ang maipahayag ang pag-ibig niya, kahit pa malinaw na sa umpisang talo siya.
Kapag nakaalis na ang mga bisita at si Father, aalalayan ni Dan si May para makahiga. Ituturo nito sa kanya ang drawer sabay pikit kapag nabuksan niya na ito at nakita ang diary:
Dearest Dan,
Sa bawat araw na dumaraan, nararamdaman kong malapit na. Alam mong ilalaban ko ang pagmamahal ko sa ‘yo, pero sorry, hindi ko na mailaban ang kalusugan ko. Gusto ko sanang makasama ka pa nang matagal na matagal... Marami pang food trip sa Snackaroo o kung saan man, birthday ni Tita, spa sa White Palace, swimming sa Batangas, high school reunions (pero alam mong 'di na 'ko iinom dahil sa epekto ng alak sa 'kin, baka mandiri ka na naman, haha) at mga okasyon sa buhay mo. Gusto ko rin sanang samahan ka sa lahat ng achievements at kahit pa kabiguan. Gusto ko ibalik ‘yung dati na nasasabi natin lahat sa isa’t isa. Kung pwede nga lang, makakasama na kita araw-araw at ‘di lang monthly makakausap gaya noon. Kaso, sadyang ‘di talaga ‘yun ang nakaplano para sa atin.
Pero Dan, masaya pa rin ako. Naalala mo nung una mo akong hinalikan? Sinabi ko na pwede na siguro akong mamatay dahil nasabi ko na ‘yung matagal kong tinatago, na mahal kita. Na habang sinasabi mong pagod ka na dahil palaging ikaw ang nagbibigay kay Maricar at sana maibalik man lang, pinigilan kong sabihin sa ‘yo ang totoo. Nasasaktan ako dahil nahihirapan ang taong pinakamamahal ko. Pero pinayuhan lang kitang balikan ang araw na nakilala mo si Maricar at sobrang sumaya ka. At sabi mo sa 'kin, she still takes your breath away.
Kaya parang bonus na lang ang mga nagdaan pang taon sa buhay ko at ngayong nandito ka na sa tabi ko. Kung may ikinalulungkot man ako, ‘yun ay dahil ako ‘yung mang-iiwan. Na sana magagandang alaala na lang din ang iiwan ko sa inyo nina ma at pa.
Dan, dalawang bagay sana ang lagi mong tatandaan: Mahal kita. At sobrang pasasalamat ko na minahal mo rin ako.
May
Comments