Sumaglit sa MOA
Ibang iba na talaga ang mga gala namin ngayong meron nang kasamang toddler na magtatatlong taong gulang sa susunod na buwan. Sa sobrang likot at kulit, naiintindihan ko na ang sinasabi ng mga magulang na mas maiging lumakad na hindi kasama ang mga bata. Haha!
Pero siyempre, gusto kong lumalabas-labas ang buong pamilya para maiba naman ang kapaligiran. Mas maigi kung may araw, preskong hangin, at kaunting pagtakbo. Pero nitong Linggo, napagpasyahan kong dalhin sila sa Mall of Asia dahil matagal na ang huling punta namin dun. Sa isip ko, marami na sigurong bago. Naaalala ko na ang huling pamamasyal namin noon ay nauwi sa matagal na paghihintay ng masasakyan kaya hindi muna kami umulit. Pero alam mo namang minsan naghahanap din tayo ng adventure.
Saktong oras ng tanghalian nang dumating kami kaya dumiretso na kami sa 3rd floor kung saan andun ang Aperitif. Pero dahil limitado ang menu at trip naming magkanin, sa Cafe Kulture kami nauwi. Mairerekomenda ko ang tenderloin salpicao nila, at isa nga ito sa mga highlights ng menu. Umorder din kami ng bangus belly na may sinangag, watermelon shake, at ang ibinibida nilang Dubai Chocolate crepe. Pero kahit viral daw ito, mas gusto ko pa rin ang mga traditional na flavors ng crepe gaya ng mango o kaya ay banana nutella.
At dahil tumatanda na nga, matapos ang pagkain at saglit na paglalakad-lakad ay nagkayayaan na kami ng asawa kong umuwi. Kahit nga nadaanan pa namin ang Dior ay hindi na umeepekto ang mga hile-hilerang lipstick nila. Aba, napanindigan kong hindi na maglipstick mula nung April 13. Bravo, bravo!
Plano pa sana naming paglaruin sa indoor playground ang anak namin pero maraming tao at nainitan na rin ako.
Naranasan na naman naming matanggihan ng taxi (at dalawang beses pa nga), kaya bumalik kami sa maaasahang pamamaraan ng pagbook ng sasakyan. Agad naman kaming nakauwi at humilata na sa kama.


Comments