Salamin, Salamin, Sabihin Sa Akin

Kung may reading glasses, sana mayroon ding shopping  o walking glasses para sa mga malinaw ang paningin sa malapitan. Sa kabila ng matagal nang payo ng eksperto, isinawalang bahala ko ang pagsasalamin. Naisulat ko rin 'yan sa blog na ito mahigit dalawang taon na ang lumipas. Una, nagtitipid. Ikalawa, may commitment issues. Kapag daw kasi minsan mong isinuot, 'di na dapat tanggalin.

Pero ngayong 2015, nagpasya na akong magbagong-buhay... halos. Dahil patuloy na nahihirapan bumasa ng mga titik sa Annual Physical Examination at tila nanghuhula na lang, nagpasukat na ako at pumili ng frame. Sa halagang 2,400 piso (libre na ang lente), narito na ang bago kong katuwang:


Sinabi kong "halos" magbagong-buhay na ako dahil muli akong pumasok na 'di ito dala. Maski papaano, nananalig pa rin kasi akong makakaya ng mata kong bumalik sa normal. Nagbasa na rin ako ng mga artikulo ukol sa wastong pangangalaga ng paningin gayundin ang mga maling paniniwala. Hindi naman daw totoong lalong lalabo ang mata kapag 'di nagsalamin. Nangyayari lamang ito sa mga bata na dapat ay maiwasto ang paningin sa murang edad pa lamang. Pero para sa adults, walang kaso. Mahihirapan ka lang talagang makakita. Sa kabilang dako, hindi rin totoong higit na lalabo ang mata kapag nagsalamin. Dahil natural na proseso ang paglabo habang tayo ay nagkakaedad, inaakala ng ilan na bunsod ito ng pagsasalamin.

Para matulungan ang sarili kong magpasya kung isusuot ko nga ba, naglista ako ng mga problema ng mga tulad kong nearsighted:

1. Mahirap basahin ang mga signboard ng dyip o FX
2. Aakalain ng mga kaibigang suplada ka dahil hindi mo sila binabati kapag nagkakasalubong
3. Nahihirapan ako sa mall, lalo na sa mga malalaking tindahan gaya ng Forever 21, na maappreciate ang mga damit sa malayo.
4. Sa mga trainings, nahihirapan akong basahin ang nakasulat sa pisara

Hindi ko naman namana ang ganitong kondisyon sa edad 29. Dahil sa mga sumusunod, nahihirapan na akong magkaroon ng pokus sa mga bagay na malayo:

1. Matagal na pagbabasa ng maliliit na titik
2. Matagal na pagharap sa kompyuter dahil sa trabaho

Kaya para sa 'yong bumabasa nito, tumayo ka muna at ipahinga ang mga mata.

Comments

Popular Posts