Paghawak ng Pera

Kamakailan, mas madalas akong makakita ng mga posts sa Facebook tungkol sa Tipid Tips. Dahil sa pagtaas ng presyo ng langis at kawalan ng kasiguruhan dahil sa giyera, mas lumalaganap ang kamalayan sa pagtitipid.

Pero para sa akin, maagang nagsimula ang kamalayang ito. Buhat sa pagkabata, nakita ko ang nanay kong naglilista ng bawat gastos sa notebook niya. Bawat buwan, alam ng mga magulang ko kung magkano ang napupunta sa pagkain, transportasyon, pag-aaral, insurance at mga medikal na pangangailangan.

Malinaw sa gunita ko kung paanong sa murang edad, sinabihan na nila ako na hindi kami mayaman. Una kong narinig ang terminong “middle class” kung saan kami nabibilang. Hindi ako sinanay sa mga mamahaling laruan at wala rin akong extra magazine subscriptions sa paaralan. Pero sinikap nila akong mapag-aral sa pribadong eskuwelahan at laging dinadala sa mga pasyalan. Mayroon kaming sasakyan at nakapupunta sa Laguna para magswimming, sa Baguio para magrelax, at sa mga masasarap na kainan. Masasabi kong payak at masaya ang aking kabataan.

Naaalala ko ring lagi akong may baong pagkain imbes na pera. Hindi tulad ng iba kong mga kaklase, hindi ako bumibili ng pizza, french fries, ice cream o cookies sa canteen. Pati ng street food tuwing uwian gaya ng mais, gummy worms, at fish ball. Pero lagi akong diretso sa school bus habang hinihintay na makumpleto ang mga pasahero.

Pagtungtong ng high school, may baon na akong 70 pesos (kung tama ang pagkakaalala ko). Mga taong 1999-2003 ito. Pero meron pa rin akong baon at school bus service palagi kaya madalas akong makapag-ipon ng pera. Nagsimula na lang akong bumili palagi sa canteen pagsapit ng kolehiyo.

Nadala ko ang nakasanayang pagtatabi ng pera nang magsimula na akong magtrabaho noong taong 2008. Magkalapit ang bahay at TV network na pinapasukan ko noon sa Visayas Avenue sa QC kaya pwede na ang dalawang maikling sakay ng jeep at sumasabay din ako sa tatay kong umuwi kapag wala kaming production shoot o editing sa gabi. Kaya hindi man kalakihan ang sahod ko noon na 18,000 pesos kada buwan, malaking katipiran ang ganitong set-up.

Hanggang sa nagsimula ako sa night shift noong 2011 na may sweldong 20,000 pesos. Hindi man malaki ang itinaas, dito ako nagsimulang magkaroon ng SSS, Pag-Ibig, at HMO. Mas malaki nga lang ang gastos sa pamasahe dahil sa Eastwood, Libis ito. Nagkaroon ng bagong opisina ang kumpanya sa BGC, Taguig kaya kinailangan kong lumipat nang maging trainer na ako noong 2014. Pakiramdam ko noon ay tumataas na ang sahod ko pero malaki rin ang gastos. Kahit pwedeng magjeep pauwi, nagtataxi na rin minsan kapag pagod na galing sa shift. Mahal din ang pagkain. Pero kahit mas mababa sa 40,000 pesos ang sahod ay tinitiyak kong may savings pa rin. Hindi nagbago ang ganitong mindset kahit lumipat na ako sa pagtuturo sa kolehiyo at bumaba ang sahod ko. Mayroon pang career shifts na nangyari at naranasan ko rin ang magturo ng English online sa rate na 100 pesos per hour, kaya naman alam na alam ko ang halaga ng bawat oras at piso. Ito palagi ang ginagawa kong batayan kapag iniisip ko kung mahal ba ang isang bagay.

May yugto rin sa buhay ko na isa akong bed spacer at inilista ko ang lahat ng gastos na nasa 12,000 pesos kada buwan habang may trabaho. Pero may panahon ding mas nagtipid pa ako dahil naghahanap pa ako ng trabaho. Mabuti ang Panginoon dahil sa lahat ng ito, nakita kong totoo ang kasabihang “Kapag may isinuksok, ay may madurukot.” Nang mangyari ang pandemya noong taong 2020, patuloy pa rin ang trabaho naming mag-asawa. Hindi ba’t biyaya iyon?

Kaya naman kahit sa panahong sagana, para sa akin ay dapat magkaroon ng mindful spending. Sa ngayon, pagkain ang malaki naming gastos at ito rin ang pinagmumulan ng enjoyment naming mag-asawa. Hindi sa mga gadget o magagarang bagay. Lagi kong iniisip na sige, huwag pagkaitan ang sarili. Pero laging maging handa para sa kinabukasan lalo na’t hindi lang sarili ang dapat isipin ngayong mayroon na kaming anak.

Comments

Popular Posts