To Junk Or Not To Junk
"Kailan ka nagtatapon ng tsinelas?," tanong ko sa dalawang kaibigan. Ako kasi, nasanay na magtapon kapag pigtas na. Pero iba ang mga sagot nila: Kapag ramdam na niya ang lupa, at 'yung isa, kapag beyond repair. Nang itanong ko kung anong depinisyon niya nun, kapag 'di na raw kaya ng rugby. So ano 'yun, nagpapalit siya ng suwelas minsan?!
Hindi pa rin ako natulungan ng dalawa kong kaibigan para makapagpasya kung itatapon ko na ang dilaw na tsinelas. Wala naman 'tong sentimental value. Malambot lang talaga. Pero manipis na ang nasa bahagi ng sakong. Suhestiyon ng friend ko, toss coin na lang. Kung head, tapon na. O kaya timbangin ko raw kung anong mahalaga: Lambot o kapal?
Pinagalitan pa ako. 'Di naman daw life-changing ang pagtatapon nun, bakit pinag-iisipan pa raw nang husto. Think again. Sabi ng parents ko, kung ido-donate ko 'to sa Bicol, may matutulungan pa 'ko. Life-changing hindi ba?
Think again. Bakit nga ba mahirap magdesisyon? Dahil halos apat na taon kong isinuot ang tsinelas na 'to? Dahil nasanay na 'ko hanggang sa 'di ko namamalayang sayad na ang sakong ko sa lupa? Kung lahat ng Pilipino gagayahin ang ganitong beheybyor (ayan, ginaya ko na silang mga bumabaybay ng pidbak, modipayd, at marami pang iba), talagang 'di tayo uusad. Takot sa pagbabago. Ayaw pang amining nahihirapan na. So bakit ko pa ibibigay sa isang Bikolano? May tuwa pa ba 'kong maidudulot sa kanya ngayong Pasko?
Hindi ka naman siguro isa sa mga manhid na taong nag-iisip na tungkol lang talaga sa tsinelas ang kuwento ko. Dagdagan natin: Pwedeng nakaka-miss ang tsinelas, pero kailangan nang talikuran... gaya ng mga alaalang parang makakapit na agiw. Pero parang ayoko pa ring i-donate. Natatakot ako sa mararanasan ng susunod. At ng susunod pang pagdo-doneytan.
Kung bibigyan ng isa pang pamagat ang post na ito, pwedeng The Bra Story. Ganito kasi, umalis ako ng bahay na nagbabadya nang mapigtas 'yon. Tinamad akong tahin muna o palitan kaya. Sa loob loob ko pa, mapigtas ka man, ok lang at huling suot na 'to. At 'yun nga ang nangyari. Nagmadali na lang akong umuwi at hindi na naghagilap ng scotch tape o glue gun. (Nung bulinggit pa 'ko, excited akong magmay-ari ng glue gun. Nanghihiram lang ako nung elementary. Pero hindi ako na-excite sa bra. Naiinis lang ako na 'yung mga lalake hindi kailangang magsuot nito.)
Thought to ponder: Bakit toothbrush, hindi teethbrush? Pwede rin ba 'tong i-donate matapos gamitin? Bakit hindi?