Huling Hirit


These are the last pages of that pink diary which he gave as a present on my 17th birthday. Enjoy. Heehee... yun lang ang nasabi ko, enjoy.

Oo nga. Tuwing mailalagay ang pangalan nya dito, di ko maiwasang malungkot. Kaya ngayon, naisip kong gumawa naman ng tribute para sa taong nagmahal sa ‘kin nang buong-buo. Hayaan mong ipakilala ko siya sa ganitong paraan: Si John Martin M. Samarita.

“Una ‘kong nakaramdam ng kakaiba nung sabay tayong naglakad patungo sa sakayan ng jeep. Sa Retiro pa ‘yon, kung naaalala mo. May Greenwich, Jollibee, at nakatayo tayo sa gilid ng Metrobank para mag-abang (Bakit pa ‘ko nag-aabang eh dumating ka na nga?). Hindi ka nga pala nagtagal dun dahil ‘di mo ‘ko hinintay makasakay. Ok lang yun, no hurt feelings dahil pinaliwanag mo rin nung tumagal na TAYO na nahihiya ka pa noon. Gusto mo sana ‘kong ihatid sa bahay. Lagi mong sinasabi na ‘di ka marunong dumiskarte at nahihiya kang makipagkaibigan sa babae. Natawa pa ata ako dahil natakot kang baka malayo ang bahay namin at ‘di ka makauwi dahil sa pagiging gentleman. Alam mo nung naglalakad tayo sa may simbahan, hindi ako tumabi sa ‘yo. Sinadya kong magpahuli nang kaunti dahil may iniisip ako. Looks can be deceiving ano? Kahit mukha ka raw maton at rapist, napatunayan ko sa mga sandaling iyon na mapagkakatiwalaan kita. Kaya nga buong buhay ko, nagawa kong ipagkatiwala sa ‘yo. Madilim noon pero hindi ako natatakot. Malapit ka lang kasi at siguro…siguro lang…pinangarap kong palagi na kitang makasabay.

Pero hindi ako agad naniwala sa pangarap na ‘yun. Halos pigilan ko ang sarili sa maaaring “pangangarap nang gising.” Isang dahilan siguro eh yung pagmamahal mo sa isa nating classmate. Pero tapos na yun, inisip ko lang na baka mahirap sa ‘yong magmahal uli…at sa ‘kin pa na ni minsan ay ‘di mo naging close friend. Pang-aasar lang ata ang kaya mong gawin sa ‘kin dati. Pero ‘di ba naging crush mo rin ako nung 3rd year (Ngayon alam mo nang naniniwala ako kahit parang pambobola.)? Sandali nga lang. Ang kaibahan ko sa ‘yo, hindi kita naging crush noon. Talagang nung 4th year lang; pero hindi lang ‘to sandali. Palagay ko, habambuhay na kitang hahangaan.

Nagpalitan tayo ng gradpic. Nakakahiya naman sa ‘yo dahil recopy na lang ang nabigay ko, wala pang dedication. Malambing ka sa sinulat mo. Siguro nung mga oras na ‘yun, higit pa sa kaibigan ang tingin ko sa ‘yo. Niyaya mo ‘kong maging partner sa isang project sa computer class natin. Dahil dito kaya nakasama ako sa bahay nyo sa Simoun at nakilala ko ang parents mo.

DIVICON ang pinaka-hindi natin malilimutan. Sa 1st day ng event, inabot na tayo ng dilim kasama ang PEB at si Sir Julius dahil ‘di agad dumating ang sasakyan. Medyo ginulat mo ‘ko nung lumapit ka habang nakatayo ako mag-isa. Mas nakakagulat dahil nag-usap tayo tungkol sa buhay-buhay na hindi naman natin ginagawa dati. Si Ton, magiging open sa ‘kin? Amazing yun!

Bumalik na ang team sa Lourdes at nag-Jollibee muna bago magsi-uwian. Dito masasabi ko nang kahit hindi pa TAYO, masayang-masaya na ‘ko at espesyal ka para sa ‘kin. Kinagabihan, nagpasalamat ako sa Diyos para sa mga nangyari. Friday ‘to, Nov. 15, 2002.

Sabi mo sa pinaka-unang text, “I am always here to LOVE and to care for YOU.” Nagbliblink tapos naiiwan ang “I love you”.

Lunes na, November 18. Excited ako dahil sa tanghali, babalik tayo sa Roces para sa resulta ng competition. Nakaupo tayo sa loob ng hall at nag-exchange ng notes sa papel na nilukot ko pagkatapos pero tinago rin. Sana natatandaan natin pareho ang mga nakasulat dun. Maaga ang sundo natin ngayon. Binalikan mo pa nga kami ni Kushu dahil nagCR pa. Nasa bulsa ng uniform ko yung papel kanina, aayusin pag-uwi. Sa bus, first time mong hinawakan ang kamay ko sa may bintana.

November 19. Alam na natin sa isa’t isa kung anong meron tayo. Pero nagtatanong sila, nagugulat. November 20, Wednesday. May sulat ka sa ‘kin na binasa ko bago tayo pumunta kina Kushu dahil birthday niya. Nung matapos ko, ngumiti lang ako sabay sabing “Oo, mahal talaga kita.” Formality sa lenggwahe nila. Lumabas tayong masaya galing sa newsroom. Baby 18_19_20…yun pala yun. Salamat dahil tinulungan mo ‘kong ubusin ang spaghetti at hinayaan mong sumandal ako sa balikat mo. Thank you B, minahal mo ako.

Marami nang dumaan. Dalawang taon, anim na buwan, dalawampu’t siyam na araw ba naman. =) Hindi ko man maikwento lahat ng ‘yon ngayon sa diary na ‘to dahil huling page na, wag ka mag-alala dahil habambuhay ko nang dadalhin ang mga alaala natin. Lahat ng ginawa mo para sa ‘kin: pagdamay, pagyakap, mga halik, at oras na kasama ko ang taong handa akong ipagpalit ang buhay ko kung kailangan.

Hindi mahirap mag-isip ng pinakamakapangyarihang salita o pangungusap para wakasan ang talaarawang ito. Kailangan ko lang sabihin sa ‘yo ang bagay na marahil, libu-libong beses mo nang narinig mula sa ‘kin:

Ton, mahal na mahal kita.”

Comments

Popular Posts