Name Game


Nagsimula ang larong ito habang kasama kong nakatayo si Bagz sa SM, naghihintay ng mga makakasama namin sa concert. Sa inip, naisip naming pangalanan ang lahat ng nagdaraan. Kung mukhang mataray halimbawa, siya si Brenda.

At hayun na nga, naadik kami ni ka-org Gladdys sa game na 'to mula pa kahapon. Induction kasi ng new mems ng UJP sa Antipolo. Lagi kaming magkadikit at mag-umpisa ang name game habang nasa foodcourt ng SM Cubao. Tapos na kami kumain at habang nag-aantay, hinuhulaan namin ang mga pangalan ng diners, cleaners, atbp. Mula rito hanggang sa pananatili namin sa resort overnight, ito ang tala ng mga pangalang nabuo ko...nakatambal sa stereotypes:

Ø Conrado- tusong namamalakad sa rice mill
Ø Vladimir- makapal ang kilay
Ø Natasha- naka-two piece at napapanood sa videoke, mahaba at kulot ang buhok, blonde
Ø Natalia- may-ari ng carinderia, si Aling Nathalia...maganda siya nung bata pa
Ø Gaspar- "Ipasok mo na ang mga sako ng ani naten!"
Ø Roman- caretaker ng haunted house ("Roman, naisara mo ba nang mabuti ang gate?"); Kung mayordomo, "Lagot ka 'pag nahuli ka ni Mang Roman na naglalaro dyan!"; Kung bantay siya sa simbahan, tiyak minamaltrato niya ang mga sakristan; pwedeng dealer ng prutas, Ang Rambutan ni Roman
Ø Ramon- nagtatadtad ng karne sa palenke
Ø Baldo- mabait na bata yan
Ø Badong- hired killer
Ø Bruno- may-ari ng barber shop, suki ka ba ni Mang Bruno?
Ø Trining- baog, mayaman pero tinalikuran na ng mga kamag-anak dahil masama ang ugali, minsan nakakatulog sa hardin nang namimilipit sa bangko habang nakabalabal ang mahabang tela
Ø Salud- tanging kakwentuhan ni Señora Trining
Ø Glenda- mahilig sa horseback riding
Ø Myrna- barista
Ø Maximo Logarte- trabahador sa pabrika; kargador; lider ng labor union
Ø Alfonso- may-ari ng hacienda
Ø Fortunato- mabait na empleyado, laging may bitbit na mahahalagang papeles, naka-salamin at may katandaan na
Ø Miguel- Ang yabang niya, feeling nun may gusto ako sa kanya!
Ø Marjorie- may best friend na laging nagpapahamak sa kanya, lagi tuloy nasisisi
Ø Marivic- pasaway na kaibigan ni Marjorie
Ø Celeste- sosyal, panganay sa magkakapatid
Ø Cecilia- kapatid ni Celeste na kimi
Ø Cynthia- dentista
Ø Lolita- madaldal at tawa nang tawa
Ø Emerlinda- ekspertong mananahi
Ø Ditas- simple lang, makwento sa barkadang puro babae
Ø Margarita- morena at pawisan
Ø Boyet- delivery boy, ma-bisyo
Ø Rodel- laging naka-gel ang buhok pataas, may isang hikaw
Ø Tiffany- payat, mahilig sa alahas, 'di nagbabayad ng utang
Ø Soledad- Nasa simbahan siya ngayon.
Ø Cesar- Kalbo si Mang Cesar, matagal na.
Ø Bembol- napapanot
Ø Resty- tindero ng pirated CDs
Ø Arman- may kabit, si Stella

Nung umaga, while joke time kami nina Jam, Gladz, at Dette-C, nagbanggit ng ilang makukulit na pangalan: 'yung isa, Solo ang apelyido kaya pinangalanang Amor; dela Cruz kaya Juan; at Si El...El Salvador.

Samantala, kapita-pitagan naman ang mga apelyidong Gatmaitan, Gatchalian, at Gatlabayan.
E si Douglas kilala mo? Siya ang itim na asong gumagala at may big spot sa paligid ng isang mata. Ipinapasyal ito ni Mildred, ang chain smoker na laging naka-boots at kaibigan ni Trisha. Sophisticated si Trish. Magandang babae pero nang-aagaw ng bf ng may bf. Habang si Roger, nagraradyo sa kanyang bosing. Over? Yes Roger.

Popular Posts