Over My Dead Body


Kahit ilang beses pang ipalabas ang Blusang Itim sa oras ng siesta, hindi ko pa rin ito tatanggihan. Gaya nang nangyari kanina. Ito ang tampok sa channel 2 at kahit tadtad ng cut ay tinutukan ko pa rin (Kinu-kuwestiyon ko nga kung bakit nagpapalabas pa sila ng mga pelikula pero pinagkakasya sa loob ng isang oras... ano yun? Para lang punan ang pagitan sa mga "tunay na programa?"). Buti nga at naiba, dahil nitong mga nakaraang linggo, puro action films gaya ng kwento ni ex-police Platton (napaslang si Bong Revilla rito). At least ngayon, tungkol kay ugly Snooky (na kamukha ni Cass sa PBB nang siya'y mag-sacrifice) na gumaganda 'pag suot ang black top na binili sa ukay-ukay. At andyan ang antagonist na si Lani Mercado. Ipinagkakait niya si Richard Gomez na nahumaling sa magandang Snooky. Nabuntis ang huli... pero ang hirap siguro nila mag-make love dahil 'di pwedeng alisin ang black blouse. Tama ba 'yun? :-( At nang tanungin ko ang kaibigan kung may counterpart ba ito sa Hollywood, Batman daw. Eh Kapang Itim naman 'to noh!
***
Sana matuwa si "Santa Klaws" dito. Isi-share ko kasi ang GK experience niya... Gawad Kalinga.

Nitong mga nakaraang araw, mga video ng kaguluhan sa Recto ang tumambad sa 'tin. Walang humpay na anti-GMA rallies habang parami nang parami ang nasasaktan / napipinsala / nagkakanda-leche-leche / nalilintikan (pisikal man o iba pang anyo). Noon, lumalahok pa si Santa sa EDSA rally pero ngayon natatawag niya na itong "futile attempt to change the world." 'Di natin siya masisisi. Bagkus, marami marahil ang sasang-ayon sa kanyang panukala: MAGHINTAY. Pero hindi ibig sabihing wala na raw tayong gagawin. Itigil muna ang "pakikibakang nakasanayan" at tulungan muna ang mga naghihirap. Pagtulong sa pagtatayo ng mga bahay o rally? Unahin daw ang build. Pwede ring pareho niyang gawin pero laging una ang GK. Sa rally kasi, "bumabangga ka sa pader." Sabi ko naman sa GK, gumagawa ka ng mga pader. Iginagalang pa rin dito ang prinsipyo ng mga nakikibaka sa lansangan pero kung mamimili ng pamamaraan, makikitang mas mabisa ang isang 'to. Andyan agad ang resulta, kitang-kita ng dalawa mong mga mata.

Makulit ang mga GK volunteers. Ito ang ilang halimbawa:
Ø Habang buhat ng isa ang malaking bato, aakbay ang kasama. Kunwari bonding pero dagdag lang sa pasanin.
Ø Race ng dalawang boluntir habang may dalang bato.
Ø Nag-aamok na boluntir. House to house, pasigaw niyang ginigising ang lahat para mag-almusal at tuloy ay simulan ang trabaho. Hindi naman siya inutusan. Nakita lang ang kalmadong panggigising ng kasamahan at hayun, nakaisip ng kalokohan. Walang pinipili. Babae o lalake, damay ka.

Ilang araw nanatili si Santa sa Nueva Ecija para sa misyong ito. At mula sa napakagandang bagay, sa kanyang pag-uwi ay marahas na pangitain sa telebisyon ang sumalubong. Kung sa project site ay nakangiti lahat ng mga tao at ok lang na pumasok sa bahay ng may bahay, dito naman sa Maynila ay nagkakagulo. Nagpapaluan. Nag-aagawan sa mga pwedeng pag-agawan. Gusto niya tuloy, maghanap ng kasama sa saya.

Pero paano nga ba sasabihin sa gutom na magpaka-hinahon? Na maghintay pa ng ilang taon? Tutol sila. Hindi sapat ang ganito at kailangang ibagsak ang pekeng pangulo. Kukunsintihin na lang ba ang mga kamalian sa gobyerno, iisiping sapat nang abutan mo ng tinapay ang nagugutom nang hindi nagtatanong kung bakit siya nagugutom? Ang sagot ni Santa: Malaki ang pagbabago kung maraming magtutulong-tulong para gumawa ng mabuti. 'Wag nang iasa sa gobyernong inaayawan ang inaasam na pagbangon ng bayang ito. Mahirap nang sabihin ito ngayon: ang MAGKAISA. Pero kung magagawa at makikita ng nasa itaas, baka sakaling ang nasa ibaba pa ang kanyang magiging modelo. Kung anuman ang kasamaang ginagawa niya, at least matatapatan natin ng mabuti. Ok na nga siguro 'yon... sa ngayon.

Oo alam ko, namimiss mo na ang taho na dati rati'y pwede nang pumuno sa malaki mong baso sa halagang limang piso. Pero ngayon, 'di na uubra kay manong kahit suki ka pa. Wawa na siya sa inuuwing kita... Bilhan mo na lang siya ng mga libro, 'yung iba't ibang kulay.
***
Ano ba ang bagay(s) na pumipigil sa 'yo mag-suicide? Lahat daw tayo ay meron niyan. Pamilya, ambisyon, mga pinagkakaabalahan sa ngayon. Pwede mong sabihing "Gusto ko pang mabuhay kasi pakakasalan ko pa si labs." Fill in the blanks at mababatid mo kung ano ang humahadlang para hanapin mo si Mr. Death.

Pero pa'no 'pag inalis 'to? Ibig bang sabihin magiging suicidal ka na? Siyempre hindi. Mahalaga ang buhay ng tao 'no! Marami ka pang magagawa. May silbi ang bawat isa. Kung sa tingin mo wala, malalagyan mo. Kung handa na harapin si Kamatayan, ano pang 'di mo kayang harapin? Duwag ka? You can't dare to live? Gusto mo nang magpahinga? E hindi naman 'to pahinga eh! 'Di mo nga malalasap ang pahinga dahil wala ka nang malay. Sabi nga ni Santa, "Masarap mabuhay dahil andyan ka para malaman mo." Halimbawa, alam mong ang gwapo ni PGMA at crush na crush mo siya tuwing may speech sa Malacañang. Alam mo ring mahirap sabihin ang "naghahasa" dahil lagi itong tunog-bastos. Either "nagahasa" ang dinig o papalitan mo ng "nagpapatalim" na masagwa rin naman. Alam mong kapag may mga bagong nag-describe sa 'yo sa Friendster, "You have new testis to approve." Tapos, hindi lingid sa 'yo na sabik ang mga Pinoy makita sa TV. Kahit 'yung jeep lang na sinasakyan ng isang tao habang may traffic update. At ang pinakamahalagang kaalaman sa buhay: Kadiri 'yung kaning baboy... ang baboy eh. Pinaghalu-halo... parang kaning baboy.

Nariyan naman ang mga bagay na hindi mo pa alam at excited kang tuklasin. Gaya ng sagot sa katanungang "May Biology student bang bumagsak sa finals kaya nag-suicide?" Kung nananamlay ka na talaga sa buhay at sinasabi mo sa nanay mong "Tulog muna tayo. Gising na lang tayo 'pag matutulog na," tsk tsk tsk... delikado. 'Pag walang ginagawa, ayaw nang bumangon sa pagkakahimlay.

Popular Posts