Pakyaw
Paano kung lahat sa mundo, libre? 'Di na tayo gagamit ng pera.
Ang manggagawa, kakain ng libre. Hindi siya susuweldo dahil libre rin ang labor. Wala siyang problema dahil nag-aaral nang libre ang mga anak niya, libre ang tubig, kuryente, at telepono. ‘Yung kumpanyang pinagtatrabahuhan niya, no problemo dahil nagpoproduce sila nang libre. Ipapamigay lang din nila ang mga produkto. Hindi nila nanaising tumubo dahil wala na ngang gamit ang salapi. Wala nang makukulong sa salang pagnanakaw dahil lahat, libre. Walang prostitusyon dahil ‘di na gipit sa pera ang mga dating umaasa rito bilang kabuhayan. Wala nang piyansa sa kulungan.
Pero bawal pa rin ang tamad. Ano kayo sinuswerte porke libre? Lalagyan ngayon ng kondisyon ng gobyerno: dapat may makabuluhan kang ginagampanan sa lipunan bago maka-libre. Halimbawa, namimigay ka ng taho sa mga bata, o kaya nagmamaneho ka ng tricycle at libre lahat ng pasahero. Basta dapat nanlilibre ka rin. Excempted yung mga estudyante kasi dependents pa sila, dapat lang nilang gawin ay mag-aral nang mabuti dahil ‘pag may bagsak, bawas libre.
Siguro iniisip mo, wala nang magnenegosyo. Mali. Kailangan yun para mapamahalaan ang resources. Ganito, yung mga nakapagtapos na ng pag-aaral, dapat gagamitin sa bansa yung napag-aralan. Ang Pilipino ay para sa Pilipinas at wala na sigurong magnanais pang mangibang-bansa at malayo sa pamilya dahil wala na ring dolyares o lapad.
Mag-imagine na rin tayo kung ganon ng mundong walang mga sandatahang lakas. Walang digmaan, lahat libre. Sa’n ka pa?
Comments