Wish Sa Deep Well



Sa mga panahong ito, bawal magkasakit. Isang paraan upang ibsan ang nadaramang kapaguran ng isip at katawan ay ang paminsan-minsang pangangarap nang gising. Samantalahin ang pagkakataon, isipin lahat ng iyong paborito. Makikita ang daigdig na hinahanap. Sa kaso ko, ito ang mga elementong matatagpuan:

* Instrumental na musika sa isang payapang lugar. Gabi. May maririnig na agos ng tubig. Nakaupo lang ako sa malaking bato, katabi ang pinakamamahal. Hahawakan niya ang kamay ko at kahit walang salita, magkakaintindihan kami. Mapapansin sa mga ilaw ng lugar na dilaw ang nangingibabaw na kulay, pero hindi ‘yung nakasisilaw. ‘Yung romantiko ang dating at medyo nakakaantok.
* Relaxed na pakiramdam. Tapos na raw ang interview, group discussion, at debate sa Comm 3. Mamimiss ko si Mam Josefina…pero ganyan talaga ang buhay, serye ng mga pagdating at pag-alis.
* Si Alma Jessica, tatawagin akong “ate” at yayakapin niya ‘ko. Magkakamustahan kami. Marami akong kwento tungkol sa love life at sigurado akong marami siyang chika about her fellow angels in heaven. Malapit nang mag-3 years mula nung huli ko siyang nakita at nakasama.
* Masarap na shower at lublob sa bath tub. Mabango ang paligid, ang ganda-ganda ko raw at wala pang eyebag. Isusuot ko raw ang komportableng white cotton nightgown, dudungaw sa bintana habang banayad na umiihip ang hangin at pagkatapos ay hihiga sa malambot na kama at maraming unan.
* Pagkain: baked tahong at steamed alimango. Malata yung kanin at kung pwede, sa dahon isi-serve.
* Unlimited videoke. Nasa mood daw ako kumanta at ang ganda-ganda ng resulta. Hindi paos dahil ‘di puyat.
* Night swimming kami ni love sa beach. Teka, low tide na. Dun lang kami sa shore hanggang sumikat ang araw.
* Mag-uusap lang kami ni Jam sa phone magdamag. Kahit ang topic ay: ano ang mas masarap sa masahe? Powder o lotion? O ‘di naman kaya ay mamimili kami ng magandang pangalan ng banda tulad ng Concealer, Bato-Balani, o Defer…kahit wala naman kaming banda.

Haaay…ang sarap naman ng buhay kung gayon. Pero sige at hanggang dito na lang muna, gagawa pa kasi ako ng essay sa PolSci. Tapos babawi ako ng tulog.

Comments

Popular Posts